EDITORIAL
|
HARANGAN MAN NG SIBAT: |
Matagumpay na nailunsad ng Sanggunian Panlungsod ng Heneral Santos ang website nito, nitong nagdaang Nobyembre 22, taong kasalukuyan. Ito ay sa kabila ng ginawang pang-gigipit ng naghaharing partido ng AIM sa ilalim ng liderato ng kasalukuyang alkaldeng si Darlene Magnolia Antonino Custudio (DMAC). Sa pamunuan ng Sanggunian Panlungsod ng Heneral Santos sa pangunguna naman ni Vice Mayor Shirlyn Bañas Nograles, at ilang mga kawani ng nasabing tanggapan, ang bagay na ito ay nagbukas ng pintuan ng sangay ng lehislatibo sa taong bayan sa ngalan ng prinsipyo ng transparency, isang bagay na magpapabilis ng pakikipag-ugnayan ng naturang tanggapan at taong bayan.
Para sa lahat ng nagsumikap na magtagumpay ang naturang programa at proyekto isang pagpupugay mula sa ABANTE SOCSARGEN NEWS at RADYO ALERTO, “WE SALUTE YOU and KEEP UP THE GOOD WORK.”
|
NOBODY COULD PUT A GOOD MAN DOWN. |
Napatunayan ng minorya na ang mabuting proyekto ng may malinis na layunin lalo na at may kinalaman sa sinumpaang tungkulin ay hindi maaring pigilan ng masamang gawi ng ilang nasa kapangyarihan.
Ito ay matapos ang matagumpay na launching ng Website ng Sangguniang Panlungsod ng Heneral Santos, nitong nagdaang linggo.
Sa napag-alaman ng siling labuyo sa pamamagitan ng ating mga bubuyog, na sa kabila ng pang-gigipit ni Mayor DMAC sa pundo ng nasabing tanggapan at partikular sa nasabing proyekto, sariling sikap at pamamaraan ang ginawa ng mga kawani ng Sanggunian Panlungsod upang maisakatuparan ang nagtagumpay na proyekto, sa ilalim ng supervision ni Vice Mayor Shirlyn Bañas Nograles, na hindi nanlupaypay sa kabila ng panggigipit sa pundo ng liderato ni Mayor Darlene Magnolia Antonino Custudio, na napakahirap hanapan ng makatwirang dahilan sa kanyang ginawang panggigipit sa isang co-equal na sangay ng pamahalaan. Kaya naman marapat lang na bigyan papuri ng Siling Labuyo, at ng mga mamamayan ng Heneral Santos bilang larawan ng isang tunay at walang imbot na paglilingkod sa taong bayan.
Para sa lahat ng nakibahagi sa matagumpay na proyekto, MABUHAY PO KAYONG LAHAT. Inu-ulit ko para lang sa nakibahagi sa trabaho.
Sa mga sumubok naman na pumigil sa nasabing proyekto, magbilang na kayo ng araw, dahil tulad ng sinasaad sa RA-9003, tuturuan ng pinagsanib na pwersa ng siling labuyo, Abante SOCSARGEN NEWS at ng RADYO ALERTO ang taong bayan na ihiwalay ang mga PLASTIK, MGA NABUBULOK at HINDI MGA BULOK na politiko.
-0-0-0-0-0-
Marapat lang subaybayan ng pamunuan ng AIM ang programa sa radio ng kanilang kagawad na si Dante Vicente alyas Vic Dante, dahil sa maaring ibunga ng pagiging ignorante ng nasabing kagawad sa mga binibitawan nitong salita sa ere.
Mukhang hindi alam ng kagawad na ito kung bakit na tinatawag na “WATCH DOG OF THE SOCIETY ANG MEDIA” ng batikusin nito sa kanyang programa sa himpilan ng Brigada ang inyong lingkod, na wala na daw ginawa kung hindi punahin ang kanilang ginagawa sa Sanggunian Panlungsod at ang sangay ng ehikutibo.
Dahil sa mababaw at walang direksyon na banat nito, malinaw na lumalabas ang pagiging ignorante at mahina nito sa isang gawaing kinakailangan ang hmmm medyo na lang mataas na level ng IQ, at maliban dito mukhang s'ya pa namang ina-asahan ng kanilang partido upang pagandahin ang kanilang imahe sa kabila ng mga kakulangan ng kanilang programa para sa taong bayan, na malayong mangyari dahil sa karamihan sa mga media sa lungsod ng Heneral Santos ay matitino at hindi kayang daanin sa bola at suhol gamit ang pundo ng bayan.
At bilang payo sa kagawad na ito na halos mataranta kung paano sasalagin ang mga media sa kumentaryo at batikos sa kanilang administrasyon; lalo na at ang pag-uusapan ay ang patuloy na walang kwentang pamamaslang, na nasa ilalim mismo ng kanyang komitiba, ay magsimula na syang kumunsulta kay Kagawad Oco na isa ding PSYCHIATRIST, dahil baka bumigay sya (nakikita na sa kanyang mga pahayag sa radio ang ilang palatandaan o indikasyon) sa sobrang pressure sa kanya upang salagin ang mga batikos at pagandahin ang imahe ng kanilang pal-pak na administrasyon.
Kung hindi ba naman hilo ang kagawad na ito; pati ba naman ang pagkain ng media sa pananghalian (na hindi naman nya gastos) tuwing araw ng session ay ginawan pa ng estorya, na dinagdagan pa ng kasinungalingan.
Sige nga kagawad VIC DANTE ALYAS DANTE VICENTE, ipaliwanag mo kung paano mau-ubos ng media na ap-apin, at mukhang tilapia ang bibig, at parang luya ang paa, ang ulam dyaan sa Sanggunian sa araw ng session na ang serving ng pagkain dyaan ay naka “PACK-LUNCH.” Patunayan mo na totoo ang sinasabi mo sa radyo, at ikaw ay isang responsabling media. Kung hindi isipin mo kung anong salita ang dapat itawag sa isang gaya mo, in fairness sa iyo e email mo sa akin at ilalabas ko ang sagot mo, kung ayaw mo naman sagutin mo sa programa mo na BANAT BRIGADA; aabangan ko yan kung; at aaraw arawin kita sa mga programa ko maging sa regular program o blocktime hanggat hindi mo sinasagot.
-0-0-0-0-0-
Kung sa CEBU nabola ng MON CHAVES ang taong bayan, dito sa Gensan SINISILIHAN NAMIN ANG POLITIKONG SINUNGALING AT POL-POL NA WALANG SILBI SA TAONG BAYAN.
For reactions, comments and suggestions please email us at brodkaster585@yahoo.com
-0-0-0-0-0-
|
May pag-asa pa ba? |
Madali sana pero mahirap sagutin ang katanungang ito. Parang wala nang kakayahan ngayon maghintay ang mga tao. Sa bilis ng takbo ng kaalaman, ng impormasyon, sa pamamagitan ng information superhighway na tinatawag, mahigit sampung taon na ang lumipas, sa panahon ng tinatawag na iCloud, kung saan lahat ng kaalaman ay matatagpuan sa ilang pindot lamang, mahirap ang magsalita tungkol sa pag-asa.
Parang hindi na uso ngayon ang maghintay. Lahat ay instant … instant coffee, instant noodles, at marami pang iba. Ayaw na rin ng mga tao ngayon maghintay habang nag-buboot ang computer. Gusto natin ngayon ay deretso na sa cloud, sa alapaap ng impormasyon, na makikita sa iPod, iPad, Galaxy tablets at mga Cherry tablets, gamit man ay Android, o iOS5.
Tila pumanaw na rin sa lipunan natin ang kahinahuhan. Lahat ngayon ay paspasan at mabilisan,. Ang pagmumuni-muni ay hindi na ginagawa, bago magpasya. Sapat na ang i-google ang katanungan, at agad ay nabibigyang-sagot sa cyberspace.
Mahirap mangaral lalu na't ang kasuotan mo ay galing lang sa ukay ukay. Mahirap magpapaniwala sa tao lalu na't motorsiklo lang ang sasakyan mo, kung meron kang 4 wheels karag karag naman, mahihirapan kang makakuha ng atensiyon kung hindi ka sikat, hindi ka mayor, kung hindi ka kagawad o barangay captain.
Lalung mahirap ang ikaw ay paniwalaan ng tao kung nangangaral ka na ikaw naman ay laki sa gubat at malayo sa kabihasnan. Mahirap kang tanggapin ng mga tao kung ikaw ay isang probinsyanong magtuturo sa mga laki sa layaw sa lungsod, kung saan ang lahat ay alam ng mga batang paslit, kung saan ang mga bata ay parang matanda na kung kumilos.
Kaya sa kabila ng lahat ng ito, ako ay nagtatanong may pag-asa pa ba? Kasabay ng katanungang may aliw bang inaantay ang isang bayang tulad natin na magpahangga ngayon ay hindi pa natin natutunan ang daang matuwid ng walang pag-iimbot na paglilingkod at pamamahala? May aliw bang dapat asahan ang isang bayang tulad natin, na tuwing magpapalit ay sa liderato lamang subalit sa ilalim pa rin ng lumang administrasyon, bago sa turing subalit dati ang direksyon. May aliw bang nararapat hintayin ang mga taong ang pag-iisip ay dalang-dala na.
Subalit… ang katanungan kong ito ay nagkaroon ng kasagutan, dalawang lingo na ngayon sumasahimpapawid ang Sarangani Broadcasting Corporation sa pamamagitan pa lamang ng test broadcast. Akala ng iba hindi na ito magaganap dahil marami ang humahadlang kabilang na ang pinakamakapangyarihang tao sa ating syudad. Ilang lingo mula ngayon sasahimpapawid sa opisyal na frequency na 1107 at official air time ang Radyo Alerto.
Mula sa kadiliman ng kagubatan ay lumitaw ang liwanag. Mula sa kagubatan ay sumulpot ang isang himpilan (himpilan ng radio) dito'y magkakasama ang mga taong hindi tanyag, at lalung hindi inaakala ng iba. Mula sa kalagitnaan ng kalungkutan, kahirapan, kawalan ng pag-asa dulot ng pagwawalang bahala ay sumulpot na rin ang himpilan na maghahatid ng pangako ng aliw at kagalakan:
Ito ang pag-asa. Ito ang bunga ng isang kabukasang isip sa sorpresang naghihintay sa atin, mula sa Diyos ng sorpresa, sa Diyos na hindi natin maikakahon at mailalagay sa sisidlan. Ang pag-asa ay galing rin sa kahandaang magulat sa sunod na kilos ng Diyos na hindi natin inaasahan, tulad nito … mula sa kagubatan ay lumitaw ang sinag ng kaligtasan.
Magulong magulo ang panahon natin. Puno tayo ng pangamba. Hindi natin alam kung hanggang saan ang sasapitin ng suliraning pang ekonomiya.
Pag-asa na lang ang pinanghahawakan natin, at wala nang iba. Subalit pag-asa itong may kaakibat na pagkilos. Puedeng umasa na lamang sa Diyos at wala nang gawin. Puedeng maghintay na lamang tayo at maghalukipkip at magkibit balikat na lamang sa mga nangyayari. Subalit sa dakong unahan ay wala kang makitang liwanag. Ang pag-asang ating binabangit ay makakamit lamang kasabay ng tamang pagkilos. Ito ang tunay na pag-asa na lumitaw mula sa kagubatan, na nagyon ay nagdudulot ng isang panibagong tulak upang makakita ng kalutasan sa problemang bumabagabag sa atin. Sa pamamagitan ng himpilang ito ay ibababalik natin ang paningin ng mga bulag, paamuhin natin ang mga palalo at mapagmataas. Ituturo natin ang landas na matuwid. Upang ang lahat ay maglakbay ng maligaya at nagkakaisa tungo sa tunay na kapayapaan at kaunlaran.
Mula sa kadiliman ay darating ang liwanag! Ito ang diwa ng tunay na pag-asa! MABUHAY KA RADYO ALERTO!